Nanaksak sa San Manuel sa gitna ng pagtatalo
Ni Rodolfo Idusora
Dinakma ng mga awtoridad ang 52-anyos na babae nang umano’y saksakin ang 37-anyos na babae sa Purok Buhanginan, Barangay San Manuel, Lungsod ng Puerto Princesa, nitong Miyerkules, Oktubre 7.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Police Station 2, nagsimula ang insidente sa mainitang pagtatalo ng dalawa na nauwi sa pisikal na komprontasyon.
Sa kasagsagan ng away, umano’y kumuha ng kutsilyo ang suspek at inundayan ang biktima, na tinamaan sa itaas na bahagi ng labi.
Agad na rumesponde ang mga barangay tanod ng San Manuel at mga tauhan ng Anti-Crime Task Force. Naabutan nila ang suspek at dinala sa Police Station 2.
Narekober din ang kitchen knife na sinasabing ginamit sa pananaksak.
Agad namang isinugod ng Health Emergency Response Team ang biktima sa ospital para sa pagpapagamot.
Nananatili sa kustodiya ng pulisya ang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at inihahanda ang kaukulang kaso.
Ayon kay PCPT Justine Kenneth A. Dalion, Acting Station Commander ng Police Station 2, naging mahalaga ang mabilis na pagtugon ng mga pulis at katuwang na barangay personnel sa insidente.