Nanunutok ng baril
Photo Courtesy: PS3
Ni Rodolfo Idusora
Kalaboso ang isang lalaki nang umano’y panunutok ng baril na nauwi sa pagkakasamsam ng isang semi-automatic pistol, 15 bala, at isang chainsaw sa Barangay Santa Lucia, Puerto Princesa City, alas-4:30 ng hapon nitong Nobyembre 1.
Rumesponde ang mga tauhan ng Police Station 3 ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) nang makatanggap ng tawag hinggil sa insidente ng umano’y gun-pointing sa nasabing lugar.
Pinangunahan nina PSSg Garcia at Patrolman Jardin, sa ilalim ng pangangasiwa ni PCPT Alan M. De Los Santos, acting station commander, ang pagresponde upang beripikahin ang reklamo.
Nagtungo ang mga pulis sa bahay ng lalaking inireklamo. Dito nila narekober ang isang KG 99 semi-automatic pistol na may isang magazine na kargado ng 15 bala.
Nakita rin sa loob ng bahay ang isang Honda Stihl chainsaw na nasa lantad na bahagi ng lugar.
Nang hingan ng kaukulang dokumento, nabigong magpakita ang lalaki ng mga papeles na magpapatunay na awtorisado siyang magmay-ari o magdala ng naturang baril, mga bala at chainsaw.
Inaresto siya dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Republic Act 9175 o Chainsaw Act of 2002.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 3 para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.