‘Early Christmas lights’ sa Port Barton, bibigyang-pansin
Ni Albert Villamor Jr.
“Kaya pa ba?”
Iyan ang tanong ni Board Member Cherry Pie Acosta sa kanyang talumpati sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan.
Nanawagan siyang imbitahin ng Sanggunian si General Manager, Engr. Rez L. Contrivida ng Palawan Electric Cooperative (PALECO), kabilang ang mga barangay official at kinatawan ng pribadong sektor ng Port Barton, para solusyunan ang bansag ng ilang residente na “early Christmas lights” sa problemadong estado ng kuryente na “hindi nakakatawang pakinggan” at “impresyon”.
Kumakailan lamang, nagkaroon na ng transition sa namamahala ng operasyon ng suplay ng kuryente sa Port Barton: mula sa PowerSource Philippines, Inc. (PSPI), ngayon ay nasa kamay na ng PALECO.
“May problema ba sa distribution lines? Sapat ba ang kapasidad ng kanilang generators at iba pang equipment? Maayos pa ba ang kondisyon ng mga makinang ginamit nila? Luma na ba ang mga ito, kailangan ng palitan, o mayroon bang technical deficiencies na nagiging sanhi ng madalas na interruptions?,” nais klaruhin ni Acosta.
“We need a clear technical explanation, not mere assurances. Ano ang kasalukuyang problema, ano ang ginagawa upang matugunan ito, at ano ang kanilang long-term plan upang matiyak ang stable and reliable electricity supply?,” ayon pa rin kay Acosta.
May mga nagreklamo rin kay Acosta dahil sa “kakulangan sa communication” sa pagitan ng PALECO at mga consumers.
“May mga pagkakataong tumatawag ang ating mga kababayan upang magtanong kung kailan maibabalik ang kuryente, ngunit ang madalas lamang nilang natatanggap na sagot ay, “Pa-wait lang.,” ayon kay Acosta.
“Ang pagbabago ng management ay dapat may katumbas na pagbabago sa kalidad ng serbisyo. Hindi sapat na may bagong namamahala kung hindi naman nararamdaman n gating mga consumer ang inaasahang improvement,” giit din ni Acosta.
Gagawin ang pagdinig sa Committee on Energy, Oil and Gas Explorations.
“We need accountability. We need reliability. We need transparency. And ultimately, we need a concrete and lasting solution,” ayon din kay Acosta.