Ni Samuel Macmac
Nahuli ng pulisya ang dalawang menor de edad matapos mang-agaw ng cellphone mula sa isang babae, kung saan nabawi rin ang ninakaw na gamit.
Ayon sa Roxas Municipal Police Station (MPS), kinilala ang biktima sa alyas na “Amanda”, 33-taong gulang at residente ng Bgy. 1, nabanggit na bayan. Sa ulat ng pulisya, nakaupo ang biktima sa tabi ng kanyang booth nang biglang lapitan ng dalawang binatilyo at agawin ang kanyang cellphone nitong Hulyo 25 bandang alas-8:10 ng gabi.
Dahil sa pangamba sa sariling kaligtasan, ibinigay ng biktima ang gamit bago tumakas ang mga suspek. Rumesponde sa insidente ang mga tauhan ng Roxas MPS at natunton ang dalawang Children in Conflict with the Law (CICL).
Positibo naman nakilala ng biktima ang mga suspek at narekober mula sa kanila ang cellphone. Ayon sa Palawan Provincial Police Office (PalPPO), isinailalim ang mga sangkot na menor de edad sa pangangalaga ng Women and Children Protection Desk at ipapasa sa tamang ahensya para sa kaukulang aksyon alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act o Republic Act 9344.