490+ chainsaw, winasak
Ni Rodolfo Idusora
Sinira ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ang mahigit 490 unserviceable chainsaw habang namahagi rin ng 29 yunit sa piling lokal na pamahalaan at ahensiya ng gobyerno noong Oktubre 2, sa Barangay Irawan, Puerto Princesa City.
Ikinasa ang Chainsaw Donation and Destruction Ceremony sa Palawan Sustainable Development Training Institute (PSDTI) bilang bahagi ng wastong pamamahala sa mga nakumpiskang kagamitan at suporta sa pangangailangan ng mga lokal na pamahalaan at ahensiya.
Ayon sa PCSDS, layunin ng pamamahagi na makatulong sa mga operasyon ng mga LGU at ahensiya, partikular sa clearing operations at pagtugon sa mga sakuna at iba pang emergency na nangangailangan ng agarang kagamitan.
Personal na tinanggap ni San Vicente Mayor Ramir Pablico ang mga chainsaw, kasama ang mga kinatawan mula sa Dumaran, Roxas at Busuanga, gayundin ang Philippine Coast Guard District Palawan na kinatawan ni Lieutenant Junior Grade Roey Evita F. Erolin.
Maaaring ipagamit ng mga tumanggap na LGU ang mga chainsaw sa kanilang mga barangay, ngunit dapat itong gamitin alinsunod sa umiiral na batas, regulasyon at mga kondisyon sa Certificate of Registration (COR).
Samantala, kabilang sa mga sinirang chainsaw ang mga nakumpiska mula 2017 hanggang 2023, pati ang mga boluntaryong isinuko o ipinasa ng mga ahensiya ng gobyerno, kabilang ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) at Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO).
Ayon sa PCSDS, hindi na angkop sa operasyon ang mga naturang kagamitan. Sinira ang mga ito upang maiwasan ang ilegal na paggamit muli, kabilang ang paglilipat ng mga piyesang maaari pang magamit sa ibang chainsaw.
Nakatulong din ang hakbang upang lumuwag ang imbakan ng mga ebidensiya at magkaroon ng puwang para sa mga kagamitang maaaring makumpiska sa mga susunod na operasyon.
Binigyang-diin ng PCSDS na bahagi ng responsableng pamamahala sa kapaligiran ang wastong paghawak at disposisyon ng mga nakumpiskang kagamitan.