November 23, 2026

PALECO: pagputol ng kuryente sa mga ‘di nakabayad, maaaring simulan

0
FB_IMG_1794713088475

Photo Courtesy: Repetek

Ni Ferds Cuario

Maaaring simulan ng Palawan Electric Cooperative (PALECO) ang pamumutol ng koneksyon ng kuryente sa mga consumer na hindi nakabayad ng kanilang mga bayarin matapos ang palugit na ibinigay ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa ilalim ng pinalawig na implementasyon ng Consumer Relief Protection Measures alinsunod sa Executive Order No. 110.

Ayon sa PALECO, saklaw ng proteksyon laban sa disconnection ang mga residential consumer na may buwanang konsumo na 200 kilowatt-hour (kWh) pababa, basta’t nabayaran nila ang kanilang mga bill para sa konsumo noong Mayo hanggang Hulyo 2026 sa loob ng palugit na hanggang Nobyembre 26, 2026.

Samantala, hindi kabilang sa proteksyon ang mga residential consumer na may konsumo na 201 kWh pataas, gayundin ang mga commercial, industrial, public building facilities at streetlight accounts.

Sa unang yugto ng implementasyon, maaaring putulan ng kuryente pagkatapos ng Nobyembre 26 ang mga covered consumer na hindi nakabayad sa loob ng itinakdang palugit, gayundin ang mga non-covered consumer na may hindi pa nababayarang bill para sa konsumo noong Mayo hanggang Hulyo 2026.

Sa ikalawang yugto naman, pagkatapos ng Disyembre 26, taong kasalukuyan, maaaring putulan ng koneksyon ang mga non-covered consumer na hindi nakabayad ng kanilang mga bayarin para sa konsumo noong Agosto hanggang Oktubre 2026.

Nilinaw rin ng PALECO na makatatanggap muna ng Notice of Disconnection ang mga consumer na kabilang sa mga maaaring putulan ng serbisyo.

Hinihikayat ng kooperatiba ang lahat ng consumer na bayaran at panatilihing updated ang kanilang mga obligasyon sa kuryente, buo man o hulugan, upang maiwasan ang paglaki ng kanilang mga pagkakautang at ang posibleng pagkaputol ng serbisyo.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *