Dalagita, ginahasa
Ni Rodolfo Idusora
BABALA: Sensitibo ang paksa. Maging disente sa pagkomento.
Dinakma ng mga kapulisan ng Police Station 2 ang lalaking suspek sa umano’y pang-aabuso sa isang menor de edad sa Barangay Sicsican, Lungsod ng Puerto Princesa, nitong gabi ng Sabado, Nobyembre 21, taong kasalukuyan.
Ayon sa ulat, personal na nagsumbong sa himpilan ng pulisya ang dalagita kasama ang kanyang ina.
Isinalaysay ng biktima na pinatuloy sa kanilang bahay ang suspek nang manghingi ng pagkain. Habang abala ang kaniyang mga magulang, nilapitan ng suspek ang dalagita sa kusina saka umano nanghipo at siya’y ginahasa.
Agaran namang kumilos ang mga kapulisan para sa mabilisang pagkakahuli ng suspek. Natukoy at nakilala ang suspek saka inaresto at dinala sa Police Station 2 para sa kaukulang dokumentasyon at proseso.
Nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang suspek.
Isasampa ang kaso sa pamamagitan ng inquest proceedings sa City Prosecutor’s Office ng Puerto Princesa City.
Abangan ang news update rito!