November 23, 2026
FB_IMG_1795264302525

Photo Courtesy: Repetek

Ni Clea G. Cahayag

Walang katotohanan. Ito ang direktang sagot ni Palawan Third District Representative Atty. Gil “KabarangayJr” Acosta nang tanungin ng lokal midya sa kumakalat na isyu hinggil sa umano’y plano nitong tumakbo bilang Alkalde ng lungsod ng Puerto Princesa.

Ayon sa Kongresista, wala sa kanyang plano ang pagtakbo sa pagka-Alkalde dahil naniniwala siyang mas nararapat munang bigyan ng pagkakataon ang iba pang personalidad na mamuno sa lungsod.

“Wala po sa hinagap ‘yung pagtakbo ng Mayor ng lungsod ng Puerto Princesa. Wala po. I think there are better candidates nandiyan [sina] Maam Nancy (Socrates) Konsehal Patrick (Hagedorn), Kuya Baham (Mitra), o Vice (Mayor) Jimbo (Maristela). Sila muna,” ani Acosta.

Prayoridad ni Acosta na pagtuunan ng pansin ang kanyang mga responsibilidad sa Kongreso gayundin ang mga proyekto at programa na makatutulong sa kanyang distrito.

“Hangga’t hindi pa puti ang buhok ni Kabarangay sa kanila muna. Plus, ang dami pang dapat gawin sa Kongreso. Marami pa po, ‘yung land classification ng lungsod ng Puerto Princesa, ospital, ‘yung ating tourism, infrastructure,” dagdag nito.

Binigyang-diin ni Acosta, nais niyang makapag-iwan ng legasiya bilang Kongresista bago umano lumipat sa ibang posisyon.

“Gusto ko naman makaiwan muna ako ng legasiya rito sa trabaho ko bago ako makapagbagong isip o tumulay sa ibang posisyon,” pahayag pa ni Acosta.

Sa huli, nilinaw niya na walang katotohanan ang mga isyung iniuugnay sa kanya partikular sa usaping pampolitika.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *