November 24, 2026

Suspek sa pagnanakaw, timbog sa old market

0
FB_IMG_1795527133618

Photo Courtesy: ACTF

Ni Rodolfo Idusora

Nasakote sa lumang pamilihan ng Puerto Princesa City ang 19-anyos na lalaki dahil umano sa pagnanakaw ng dalawang cellular phones at pera sa bahay ng kanyang kakilala sa Burgos Street Barangay Masipag.

Kinilala ang suspek na si Alyas “Ivan”, residente ng Narra, Palawan. Naaresto siya nang habulin ng biktimang si Alyas Archie sa tulong ng mga tauhan ng City Traffic Management Office (CTMO).

Ayon sa salaysay ng biktima, dakong alas-2:00 hanggang alas-3:00 ng madaling-araw nang pasukin umano ni John Ivan ang kanilang bahay at tangayin ang iPhone 12 Pro Max at iPhone 11 Pro Max, gayundin ang ₱1,800 na pera.

Nang ma-track ang lokasyon ng mga cellphone kinabukasan at matukoy na nasa Old Market, agad na nagtungo roon ang biktima. Namataan niya ang suspek kaya hinabol at na-hold ito sa tulong ng CTMO.

Sa pagtatanong ng mga rumespondeng tauhan, inamin umano ng suspek ang pagkuha sa mga cellphone at pera.

Kahirapan umano ang dahilan kaya nagawa ang pagnanakaw.

Napag-alaman ding magkakilala ang suspek at biktima. Tatlong buwan na rin umanong palaboy-laboy sa Puerto Princesa ang suspek nang umalis sa kanilang bahay sa Narra.

Narekober at naibalik kay Archie ang dalawang cellphone at natitirang ₱1,200 mula sa orihinal na halagang ₱1,800.

Sa pagsusuri naman sa bag ng suspek, nakakita rin ang mga tauhan ng isang wallet na nakapangalan kay Lino D. Cambronero, residente ng Barangay Tagburos.

Ayon sa suspek, nakuha niya umano ito sa bahay ng kanyang barkada.
Dinala ang magkabilang panig sa Police Station 1 para sa kaukulang imbestigasyon at dokumentasyon.

Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *