PHOTO | PIO PALAWAN

Ni Vivian Bautista

MALUGOD na tinanggap ng school heads at mga guro ng Linapacan sa pangunguna ni Public Schools District Supervisor Rowel V. Llado ang dalawampuโ€™t siyam (29) na HP Smart Tank 615 Wireless All-in-One printers na personal na ipinamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan nitong ika-12 ng Agosto, 2023.

Ang Ceremonial Turn Over of Special Education Fund (SEF)- Funded Printers para sa DepEd Palawan ay pinangasiwaan ng Provincial Information Office (PIO) sa pangunguna ni Provincial Information Officer Atty. Christian Jay Cojamco, sa pamumuno ni Gob. V. Dennis M. Socrates.

Ayon sa mga guro ng Linapacan, malaking tulong para sa kanila ang mga nasabing printers dahil magagamit ito sa pag-imprenta ng modules ng mga estudyante at mga dokumentong kakailanganin ng mga guro sa elementarya, sekondarya at mga programang pang-edukasyon lalo na sa darating na pasukan.

Ang naturang kaganapan ay sinaksihan din nina Linapacan Vice Mayor Ricky Rodriguez kasama sina Sangguniang Bayan Member Raphael Rodriguez at SB Darwin Alaska bilang kinatawan ni Board Member Winston Arzaga, upang magbigay suporta sa nasabing programa, batay sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo.