PHOTO | PALAWAN PROVINCIAL INFORMATION OFFICE

Ni Ven Marck Botin

IPINABATID ni Punong Bayan Cesario Benedito na isasagawa na kada taon ang Civil Service Examination (CSE) sa bayan ng Brooke’s Point sa tulong ng Civil Service Commission (CSC) at Sangguniang Bayan sa pangunguna ni Bise-Alkalde Atty. Mary Jean D. Feliciano.

Sa flag ceremony ng lokal na pamahalaan nitong Martes, ika-22 ng Agosto, sinabi ng alkalde na isa itong malaking oportunidad para sa mga mamamayan.

Malaki umano ang maitutulong nito para maging handa ang mga mamamayan ng Brooke’s Point na maglingkod sa pamahalaan.

Samantala, kinilala rin ng Punong Bayan ang tanggapan ng Human Resource Management (HRM) sa pangunguna ni HRM Officer Luz T. Galicia, mga guro, Civil Service Commission, at iba pang kawani ng pamahalaang lokal sa ibinigay na serbisyo ng mga ito sa isinagawang civil service examination sa Brooke’s Point Central School at Brooke’s Point National High School nitong araw ng Linggo, ika-22 ngayong buwan.