Photo Courtesy | Mayor Gerandy Danao FB

PUERTO PRINCESA CITY – PUSPUSAN ang ginagawang paghahanda ng pamahalaang lokal ng Narra para sa pagbubukas ng Palarong Panlalawigan na gaganapin sa Abril 14, 2024.

Sa pangunguna ni Narra Mayor Gerandy Danao ay abalang nag-iikot sa iba’t ibang paaralan ng nasabing bayan ang kanyang grupo upang alamin ang kalagayan ng mga deligadong nakabase sa kani-kanilang mga Quarter.

Nais umano ni Mayor Danao na maging maayos at komportable ang kalagayan ng pananatili ng mga bisita na kinabibilangan ng mga Atleta, Coaches at iba pa sa naturang bayan.

Kabilang sa mga ininspeksyun ng opisyal ang kanilang matutulugan, kagamitan sa pagluluto at maging ang kanilang mga palikuran.

Sa Facebook post ng alkalde, patuloy ang gagawing pagbabantay nito sa lahat ng tinutuluyan ng mga delegado para sa mga pangangailangan nito hanggang sa matapos ang nasabing palaro.