Photo courtesy | Repetek Team

Patuloy ang paghikayat ng Philippine Coconut Authority (PCA) sa mga magsasaka ng niyog na magparehistro sa National Coconut Farmers’ Registry System o NCFRS.

Ayon sa ahensya, layunin ng NCFRS na mabigyan ng suporta at tulong ang mga magniniyog sa buong bansa.

Sa ibinahaging datos ni PCA-Palawan Division Chief Raul Aguilar, sa lalawigan ng Palawan, mayroon nang 40,000 magniniyog ang nakapagrehistro sa NCFRS.

“As of now, nasa 40,000 na ang nakaregister sa aming database. Still [mayroon] pa rin nagpaparegister pailan-ilan na lang siya kasi nagka-mass registration na po kami bawat munisipyo ng Palawan.

Hindi lang kasama ‘yung mga island municipalities pero may mga naka-register na sa mga island municipalities through Municipal Agriculture Office kasi [mayroon] din kaming partnership sa kanila,” ani Aguilar.

Aniya, malaking adbentahe sa mga magniniyog kung ito ay rehistrado sa NCFRS dahil magiging benepisyaryo ito ng mga programa ng gobyerno.

“Actually, lahat ng programa ng PCA na in-implement including doon sa Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) namin number one requirement ay ‘yung NCFRS registered ka.

Halimbawa, mayroon kaming scholarship program under CFIDP, kailangan ‘yung magulang ng estudyante ay naka-register sa NCFRS kasi once na wala [roon] hindi maku-qualified ang estudyante para maging iskolar.

Sa lahat po ng programa either regular program o CFIDP dapat naka-register na NCFRS,” dagdag pa ng opisyal.

Sa Pilipinas, mahigit dalawang milyong magsasaka ng niyog ang nakatala sa NCFRS kung saan ang rehiyon ng MIMAROPA ay mayroong mahigit 169K registered coconut farmers.