EL NIDO, Palawan—Pinabulaanan ng mga kapulisan ng Puerto Princesa City Police Office ang pekeng balita sa umano’y insidente ng pagdukot sa Old Public Market sa Malvar Street, kamakailan.
Sa imbestigasyon ng Police Station 1 Mendoza, napag-alaman na walang ganitong insidenteng naitala sa lungsod. Anila, walang katotohanan at peke ang impormasyon na kumakalat online.
Dahil dito, hinihikayat ng kapulisan ang publiko na huwag magkalat ng maling impormasyon dahil magdudulot lamang ng pagkabahala at takot sa publiko.
Ipinababatid din ng kapulisan na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at umantabay lamang sa mga credible news outlet.
Samantala, ang pagkalat ng mga maling impormasyon ay labag sa Batas Republika 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.