Photo courtesy | PIO-Palawan

PUERTO PRINCESA CITY — Magkakaroon ng Mini-Capitol sa bahaging norte at sur ng lalawigan matapos ang isinagawang groundbreaking ceremony nitong Miyerkules, Marso 5.

Pinangunahan ni Gobernador Victorino Dennis Socrates kasama si Provincial Engineer Aireen Laguisma ang groundbreaking ceremony ng nasabing mga proyekto.

Itatayo sa Barangay Poblacion, Taytay, at Barangay Abo-Abo, Sofronio Española, ang proyektong Forwarding Operating Bases/PGP Government Center o Mini Capitol na mapapakinabangan ng mga municipalities sa southern at northern sections ng lalawigan.

Kabuuang 146.9 milyong piso ang inilaan na pondo na naisakatuparan sa ilalim ng administrasyon ni Gov. Socrates, ayon kay Engr. Laguisma.

Nagpapasalamat ang mga opisyales ng mga barangay na pagtatayuan ng mini-capitol dahil maliban sa hatid nitong serbisyo hindi na kakailanganin pang bumiyahe sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Dagdag dito, magkakaroon din umano ng karagdagang hanapbuhay ang mga residente sa mga nabanggit na lokasyon.

Layunin ng proyekto na mailapit sa Sambayanang Palawenyo ang mga serbisyo at programang handog ng Pamahalaang Panlalawigan; agarang makapagresponde o makapagsagawa ng relief operations sa panahon ng kalamidad, maging ang serbisyong panlipunan na ipinagkakaloob ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).