
Photo courtesy: Provincial Information Office (PIO) Palawan
Tumataginting na P300,000 at isang prestihiyosong plaque ang naiuwing premyo ng Narra Integrated School matapos itinanghal na grand champion dahil sa kanilang makapigil-hiningang performance sa Baragatan Festival Local Government Unit (LGU) Drum and Lyre Competition 2025.
Sa patuloy na pagpapalakas ng programang pang-edukasyon sa sining at musika, nagsisilbing inspirasyon ng mga kabataan ang nasabing kompetisyon para maipakita ang kanilang talento at pagiging malikhain.
Makukulay, nakakaaliw na musical performances at dance exhibition ang ipinamalas ng walong (8) marching ensembles.
Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo, inanunsyong 1st Runner-up ang Leonides S. Virata Memorial School ng bayan ng Rio Tuba, Bataraza na tumanggap ng P200,000 at plaque samantalang 2nd Runner-up naman ang Gov. Alfredo Abueg Sr. National Technology Vocational Memorial High School ng Brooke’s Point na nakapag-uwi ng gantimpalang P100,000, plaque, at Best in Costume award na nagkakahalaga ng P20,000.
Tumanggap naman consolation prize na P50,000.00 ang bawat kalahok na hindi pinalad magwagi.
Kinilala naman ang husay at pagkamalikhain ng mga sumusunod na kalahok: San Vicente National High School bilang Best in Choreography (P20,000); Lauren Marie P. Amores (Leonides S. Virata Memorial School) bilang Best Mother Majorette (P5,000); Fist Runner-up Mother Majorette si Aizen Lee Padrones ng Palawan National School na tumanggap ng P1,000.
Kabilang naman sa mga lumahok sa nasabing kompetisyon ang Bataraza National School (Bataraza), Abongan National High Schol (Taytay), Palawan National School (Puerto Princes City), at San Jose National High School (Puerto Princesa City).