
Photo courtesy: PNP 4B
Panauhing pandangal si Police Brigadier General Roger L. Quesada, Regional Director sa pormal na pagtatapos ng nasa 188 na bagong Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) ng PSBRC Batch 2024-01 “MASIDLAKAS”.
Sa kaniyang mensahe, hinikayat ni PBGEN Quesada ang mga bagong pulis na panatilhin ang integridad, dedikasyon, at mataas na antas ng paglilingkod sa kanilang pagsisimula bilang ganap na alagad ng batas.
Sa pagtatapos ng PSBRC Batch 2024-01, isang bagong kabanata ng paglilingkod at pagpapatupad ng batas ang magbubukas para sa mga bagong pulis na kung saan itatalaga sila sa iba’t ibang Police Stations sa lalawigan ng Oriental Mindoro bilang bahagi ng kanilang Field Training Program.
Nakatuon ang nasabing programa sa paglalapat ng kanilang kaalaman sa aktuwal na operasyon, masusing pagsubaybay sa peace and order at epektibong serbisyo sa publiko alinsunod sa layuning bumuo ng isang mas ligtas at maayos na komunidad.
Ginanap ang seremonya ng kanilang pagtatapos sa Hinirang Covered Court, Sitio Ibong, Barangay Pag-asa sa bayan ng Bansud, Oriental Mindoro.
Ang mga bumubuo sa PSBRC Batch 2024-01 ay sumailalim sa masusing physical, tactical, at theoretical training.
Patuloy naman isinusulong at itinataguyod ng Philippine National Police (PNP) MIMAROPA ang mga programang pinagpapatibay ang kakayahan ng mga pulis sa liderato at epektibong pagseserbisyo.