Inihayag ni Palawan Second District Congressman Jose Chaves Alvarez (JCA) na nais niyang pamunuan ang Committee on Energy sa kongreso nang humarap siya sa midya nito lamang ika-4 ng Hulyo, taong kasalukuyan.
Tahasang sinabi ng kongresista na nilalayon nito na matugunan ang matinding suliranin ng elektrisidad sa Palawan.
Aniya, kung pahihintulutan siyang maging hepe ng naturang komite, malaki ang maitutulong nito sa nararanasang problema ng suplay ng enerhiya sa lalawigan.
“Ako, inaaplayan ko ang Energy Committee. Kung makuha ko ‘yun, very powerful ‘yun in terms of magtawag ng mga meeting na ayusin [ng] Energy Regulatory Commission (ERC) at National Electrification Administration (NEA), at saka ‘yung mga consumer.
Inaaplayan ko ‘yun. I don’t know kung makukuha ko, kung makukuha ko I can help a lot dito sa problema ng Palawan Electric Cooperative (Paleco).
Aniya, sa kaniyang ikalawang termino, umaasa si Alvarez na sa pagtutulungan nilang mga kongresista sa Palawan mas mapapabilis ang pagbibigay solusyon sa naturang krisis.
‘Hindi naman nagsabi ng “hindi”, hindi naman nagsabi ng ‘“oo”, kasi nagbabalasa pa ngayon. Hindi ko ginagarantiya ‘yan ah, kailangan [sina] Congressman Gil (Acosta) [at ibang kongresista] na tutulong din.
Sino ba ako? Kapiraso lang ako, katiting lang ako sa kongreso but collective effort namin ng apat na kongresista ngayon baka magsama-sama ‘yan, mas mapabilis. ‘Yan lang ang p’wede kong masabi. Hindi ko ginagarantiya dahil alam mo mahirap na maggarantiya,” pahayag pa ni Alvarez.
Samantala, habang hinihintay pa ang resulta ng kanyang aplikasyon na pamunuan ang komite ng enerhiya, tinuran din ng opisyal na gumagawa na rin ng hakbang si Third District Congressman Gil Acosta Jr. para mapababa ang singil sa kuryente sa lalawigan.