Sa pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon at Buwan ng Philippine Agriculturists, inilunsad nitong Hulyo 29, ang “Gulayan sa Paaralan (GSP)” sa Centennial Pavilion, Provincial Capitol, ng Provincial Agriculture Office (PAGO) katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.
Unang ipinatupad ang GSP sa bisa ng Department of Education (DepEd) Memorandum No. 293 noong 2007.
Naglalayon ang GSP na tuldukan ang malnutrisyon, at ituro sa mga mag-aaral sa elementarya at sekondarya ang kahalagahan ng pagtatanim at pagkain ng sariling ani.
Nakatanggap ng mga buto; organic fertilizer; seedling trays; rice hull carbonizer; electric power sprayer; garden tools; plastic mulch; blue fine net; at plastic drum ang mga benipesyaryo ng GSP, ayon sa Provincial Information Office.
Sila ay ang mga mag-aaral ng Caruray National High School, Rio Tuba National High School, Tanatanaen Elementary School, Apurawan National High School, at Quezon National High School.
Ang GSP ay sumusuporta rin sa “School-Based Feeding Program” ng DepEd.
Kasabay nito, inilunsad din ang “Barakalan sa Kapitolyo” na lantarang tinutulungan ang mga magsasaka at mangingisda sa pagbenta ng kanilang mga produkto hindi lamang sa mga kawani ng gobyerno, pati rin sa lahat ng uri ng mamimili sa Palawan.
Nasa paglunsad din sina Board Member Ariston D. Arzaga, Dr. Romeo M. Cabunsal ng PAGO, at Danielle Jade N. Sanchez ng Provincial Nutrition Office (PNO).
Ang tema ng Buwan ng Philippine Agriculturists 2025 ay “Filipino Agriculturists: Agents of Transformative Agriculture towards Sustainable Food System”.
via Albert Villamor