Bumungad sa kahabaan ng South National Road sa Barangay Malihud, Bataraza, Palawan, ang isang madilim na trahedya na sinapit ng isang 37-anyos na magsasaka dahil sa naganap na vehicular accident bandang alas-siyete ng gabi nitong ika-27 ng Hulyo, taong kasalukuyan.
Sangkot sa insidente ang isang motorsiklo at isang truck na parehong nagmula sa makaibang barangay. Minamaneho ng magsasaka na kinilalang si alyas “Chiko”, residente ng Barangay Malihud, ang walang plaka na Suzuki na motorsiklo.
Puting drop side truck na may plaka naman ang minamaneho ni alyas “Rey”, 39-anyos, negosyante, residente ng Barangay Marangas.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, habang maayos na tumatakbo sa hilagang direksyon ang truck sa national highway, bigla umanong sumulpot ang motorsiklo ni Chiko mula sa gilid ng kalsada.
Agad naman nagpreno ang drayber ng truck ngunit hindi ito naging epektibo na kung saan tuluyang bumangga ang motorsiklo sa truck. Dahil dito, nawalan ng kontrol si Chiko at tumilapon sa gilid ng kalsada na kung saan nagtamo siya ng matinding pinsala.
Agad isinugod ang motorista sa Bataraza District Hopsital subalit idineklara nang dead on arrival ayon sa attending physician. Samantala, ligtas at walang sugat ang driver ng truck na si Rey.
Kasalukuyang kustodiya ng Bataraza MPS ang parehong sasakyan para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.