Pinagtibay ng nilagdaang kasunduan nina Palawan Electric Cooperative (PALECO) General Manager, Engr. Rez L. Contrivida, at Atty. Fe Marie D. Tagle, Chairperson ng interim Board of Directors, ang subsidy agreement na naglalayong mapababa ang singil sa kuryente sa buong lalawigan ng Palawan nitong nakalipas na Martes, Setyembre 16.
Kasama sa paglagda ng Universal Charge for Missionary Electrification o UCME Subsidy Agreement ang Delta P Inc. (DPI) at National Power Corporation o NAPOCOR.
Ayon sa kooperatiba, nasasaklaw sa bagong kasunduan ang 40-megawatt power supply agreement ng Paleco at kompanyang Delta P., na kung saan magiging pangunahing benepisyaryo ang mga konsumidores sa Lungsod ng Puerto Princesa, at mga bayan ng Aborlan, Narra, Sofronio Española, Bataraza, Roxas, Taytay, Quezon, Brooke’s Point, at mainland Dumaran.
Anila, sasagutin ng panibagong kasunduan ang differential cost energy mula sa True Cost of Generation Rate (TCGR) at Subsidized Approved Generation Rate (SAGR). Tinatayang 7.39 piso kada kilowatt-hour na lamang ang babayaran ng mga konsyumer mula sa generation cost na isusuplay ng kompanyang Delta P.
Inaasahang magsisimula ang implementasyon bago matapos ang Transition Power Supply Agreement sa pagitan ng Delta P. at Paleco. Hinihintay na lamang din ang pagsusumite ng Delta P ng mga kaukulang dokumento sa Energy Regulatory Commission, Napocor, at National Transmission Corporation.
Ayon pa rin sa kooperatiba, mararamdaman ang pagbaba ng singil sa kuryente sa mga susunod na buwan.