Sa edad kung kailan marami ang pumipili ng pahinga, nagpasya ang 70-taong gulang na biyudong abogado na si Bienvenido Salinas Jr. na piliin ang isang bokasyong maglingkod sa Diyos bilang diyakono sa Taytay, Palawan.
Hindi naging hadlang ang kanyang edad na tumugon sa tawag ng Diyos matapos maordenahan ni Obispo Broderick Pabill sa Apostolic Vicariate of Taytay bilang diyakono nitong Linggo.
Si Bienvenido Salinas Jr. ay tubong Calbayog City sa probinsya ng Samar. Matagal na siyang kilala bilang abogado at padre de pamilya. May tatlong anak siya bago mabiyudo.
Sa halip na tahimik na pamumuhay matapos gampanan ang tungkulin bilang magulang, pinili niyang magpatuloy sa bagong misyon. Pumasok siya sa San Jose Seminary, Loyola School of Theology, at Our Lady of the Angels Seminary upang paghandaan ang ministeryo.
Ayon sa Canon Law, maaaring maorden ang mga biyudo na nakatupad na sa kanilang responsibilidad sa pamilya at nakikitang karapat-dapat sa banal na panglilingkod.
Ang ordinasyon ni Salinas ay nagbigay-riin naman sa pagbubukas ng Simbahan sa mga handing mag-alay ng buhay sa paglilingkod, anuman ang yugto ng kanilang buhay.
Para sa mga lider ng Simbahan, ang hakbang ni Salinas ay isang inspirasyon. Mula sa pagiging tagapagtanggol ng batas, Si Salinas ngayo’y magiging tagapaglingkod ng Simbahan.
Ang kanyang kuwento ay paalala na ang bokasyon ay maaaring dumating sa anumang panahon, at ang pagtugon dito ay tanda naman ng matibay na pananampalataya at dedikasyon sa kapwa. | Photo Courtesy: Apostolic Vicariate of Taytay
via Samuel Macmac