Makalipas ang ilang dekada ng pagkawala, muling nasilayan ang Philippine deer sa iba’t ibang bahagi ng Marinduque, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) MIMAROPA-PENRO Marinduque.
Nakumpirma ang presensya ng Philippine deer o Rusa mariana sa Marinduque nang subukang maglagay ng mga camera traps sa Torrijos at Sta. Cruz. Ang mga nasabing usa ay pinaniniwalaang locally extinct na o matagal nang nawala sa lalawigan ng Marinduque.
Sa ulat ng DENR-MIMAROPA-PENRO Marinduque, nakapagtala ng sampung usa noong 2025 sa Barangay Makulapnit, Sta. Cruz na umano’y key habitat. Bukod dito, may mga bakas din na nakita sa Boac at karatig lugar, kung saan indikasyon ng lumalawak na tirahan ng nasabing species.
Nakalap ang mga naturang datos ng sightings sa mga usa sa pamamagitan ng Biodiversity Monitoring System at Communication, Education, and Public Awareness (CEPA) campaigns ng Marinduque Wildlife Sanctuary Protected Area Management Office (PAMO).
Gayunman, nananatiling hamon ang mga banta sa wildlife. Batay sa ulat, may mga naitalang kaso ng pagkamatay ng usa dahil sa iligal na pangangaso at pag-atake ng mga ligaw na aso. Isang insidente noong Disyembre 28, 2025 kung saan muntik nang mapatay ng mga aso ang isang babaeng usa sa Balagbag Range, ngunit agad itong nasagip nang rumesponde ang PAMO at mga katuwang na enforcement units.
Upang masiguro ang police proteksyon, mas pinaigting ng Protected Area Management Board (PAMB) ang koordinasyon sa Provincial Veterinary Office. Kasabay nito, patuloy ang kampanya alinsunod sa Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act. Bukod dito, nakaplanong magsagawa ng siyentipikong pag-aaral ang University of the Philippines Los Baños (UPLB) upang masuri ang populasyon ng Philippine deer at makapagbigay ng gabay para sa pangmatagalang pamamahala.
via Samuel Macmac