Photo courtesy: Eva Pableo
Ni Rodolfo Idusora
Babala: Sensitibo ang paksa. Maging disente sa pagkomento.
KRITIKAL ang kondisyon ng dalawang lalaking motorista nang magbanggaan ang kanilang minamanehong mga motorsiklo sa Purok 10, Barangay Inagawan-Sub, Lungsod ng Puerto Princesa, bandang alas-3:30 ng hapon ng Lunes, Hulyo 6.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, kapuwa umano mabilis ang takbo ng dalawang motorsiklo nang mangyari ang insidente. Ayon sa mga imbestigador, nabangga ng isang motorsiklo ang likurang bahagi ng isa pang motorsiklo habang binabagtas ang isang kurbadang bahagi ng kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga, nawalan ng kontrol ang dalawang rider at kapwa sumalpok sa concrete barrier sa gilid ng kalsada. Nagtamo sila ng matinding pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad at emergency responders upang mabigyan ng paunang lunas ang mga biktima. Matapos nito ay isinugod sila sa Aborlan Medicare Hospital para sa agarang gamutan. Sa pinakahuling ulat, nananatili pa ring kritikal ang kanilang kondisyon.
Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman na ang dalawang motorista ay umano’y nanggaling sa isang inuman bago naganap ang aksidente. Lumabas din sa imbestigasyon na kapwa wala silang balidong driver’s license sa oras ng insidente.
Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang eksaktong sanhi ng banggaan at kung may iba pang salik na nagdulot ng aksidente.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko, lalo na sa mga motorista, na huwag magmaneho habang nasa ilalim ng impluwensya ng alak. Hinikayat din nila ang lahat na sumunod sa itinakdang speed limit, magsuot ng tamang safety gear, at tiyaking may balidong driver’s license bago bumiyahe upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente. | Ulat ni Rodolfo Idusora
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng mga biktima alinsunod sa mga probisyon ng Data Privacy Act.