Photo courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Nahuli ng roving patrol team ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ang 14-anyos na lalaki matapos umanong tumakas habang sakay ng motorsiklo kasama ang dalawa pang kalalakihan sa kahabaan ng national highway sa Barangay San Manuel, Lungsod Puerto Princesa, nitong madaling-araw ng Huwebes, Hulyo 10.
Batay sa incident report ng ahensiya, dakong 1:37 a.m. nang mapansin ng mga nagpapatrolya ang isang motorsiklong may tatlong sakay na walang suot na helmet. Nilapitan umano ng mga operatiba ang grupo upang sitahin dahil sa paglabag sa batas trapiko, ngunit mabilis na pinatakbo ng motorista ang motorsiklo habang tinatakpan ng mga sakay ang kanilang mga mukha. Dahil sa kahina-hinalang kilos at mga naitalang insidente ng nakawan sa lungsod, sinundan sila ng patrol team at ilang
ulit na pinara sa ligtas na paraan.
Habang tumatakas, ilang beses umanong dumaan ang motorsiklo sa makikitid at masukal na daanan hanggang sa Caimito Street sa Barangay Santa Monica. Doon naabutan ng mga operatiba ang motorsiklong Skygo 125 na kulay itim na may plakang 658VTZ.
Gayunman, ang motorista lamang ang kanilang nadatnan dahil nakatakas ang dalawa nitong kasama.
Nakilala ang binayikyo sa alyas na “Prince,” 14-anyos na residente ng lugar. Ayon sa kanyang pahayag, ang dalawa niyang kasama ay sina alyas “Johan” at “Bert.” Sinabi rin niya na si alyas “Johan” ay bagong laya umano mula sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Napansin din ng patrol team na ang menor de edad na motorista ay nasa ilalim umano ng impluwensya ng alak.
Nag-isyu ang mga awtoridad ng citation ticket laban sa kanya dahil sa mga paglabag kabilang ang drunk driving, walang driver’s license, overspeeding, careless at reckless driving, backride na walang helmet, walang side mirror, hindi pagdadala ng OR/CR, at disobedience.
Matapos ang proseso, maayos na isinailalim ang menor de edad sa kustodiya ng Barangay Santa Monica para sa kaukulang disposition at pagsunod sa tamang proseso.