Photo courtesy: DOST-PAGASA
Ni Clea Faye G. Cahayag
Lumabas na ng Philippine Area of Responsibility o PAR nitong umaga Lunes, Hukyo 11, ang bagyong Inday.
Sa ulat ni Weather Specialist Daniel James Villamil, huling namataan ang bagyo bandang 4:00 ng hapon sa layong 695 kilometers hilaga ng Itbayat, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometers per hour at pagbugsong hanggang 170 kilometers per hour. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 40 kilometers per hour.
Batay sa pinakahuling track at intensity forecast, inaasahang magpapatuloy ang pagkilos ni Inday patungong hilagang-kanluran at posibleng mag-landfall sa Tsina sa mga susunod na oras.
“Weakening trend ang nakikita natin para kay bagyong Inday at posibleng maglandfall sa eastern China sa mga susunod na oras,” ani Villamil.
Bagaman nasa labas na ng PAR ang bagyo patuloy pa rin nitong hinihila ang hanging Habagat na nakaaapekto sa extreme northern Luzon at nagdadala ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Samantala sa pinakahuling satellite images, namataan ang makakapal na ulap sa West Philippine Sea (WPS) na umaabot sa kanlurang bahagi ng Pilipinas. Dulot ito ng hanging Habagat na patuloy na pinalalakas ng bagyong Inday.
Dahil dito, inaasahan pa rin ang maulap na kalangitan at malalakas na pag-ulan sa Metro Manila at malaking bahagi ng bansa.
Inaasahan namang mababawasan ang mga pag-ulan sa central at eastern portion ng Mindanao gayunman magpapatuloy ang pag-ulan dulot ng Habagat sa Palawan, Visayas at western Mindanao.