Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Arestado ang isang 20-anyos na mangingisda na kabilang sa Regional Top 4 Most Wanted Persons matapos isilbi warrant of arrest para sa tatlong kasong rape na walang piyansa.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Caber”, residente ng Barangay Candawaga, Rizal, Palawan. Nahaharap siya sa tatlong kaso ng paglabag sa Anti-Rape Law of 1997 (RA 8353) na inamyendahan ng Republic Act 11648.
Isinagawa ang operasyon nitong Hulyo 11 sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 165 sa Brooke’s Point. Wala naman inirekomenda ang korte na piyansa para sa mga kasong nakasampa laban sa kanya.
Pagkatapos ng pag-aresto, dinala na ang suspek sa kustodiya ng Rizal Municipal Police Station (MPS) para sa kaukulang dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Pinangunahan ng pulisya ng Rizal ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ Bronson C. Caranto, katuwang ang Regional Intelligence Unit 4B, Palawan Provincial Intelligence Unit, 1st Palawan Provincial Mobile Force Company, at Rizal Maritime Law Enforcement Team.
Samantala, patuloy na nananawagan ang Palawan Orovincial Police Office (PalPPO) sa publiko na makipagtulungan sa pagbibigay ng impormasyon na makatutulong sa pagdakip ng mga indibidwal na may pananagutan sa batas.