Repetek News
Ni Ferds Cuario
Sa bisperas ng ika-10 anibersaryo ng makasaysayang tagumpay ng West Philippine Sea, nanawagan ang Atin Ito Coalition kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maghain ng Executive Order na magdedeklara sa Hulyo 12 bilang West Philippine Sea Victory Day sa buong bansa.
Ginawa ang panawagan sa isang press conference na ginanap kahapon, Hulyo 11, 2026, sa Best Western Plus – The Ivywall Hotel sa Puerto Princesa City. Dumalo sa kagapanan sina Akbayan Rep. Percival “Perci” Cendaña, Kalayaan Vice Mayor Maurice Phillip Alexis “MP” Albayda, at Nonoy Camacho, kinatawan ng fisherfolk organizations.
Ayon kay Rep. Cendaña, dapat gawing bahagi na ng pambansang memorya ang arbitral victory ng Pilipinas noong Hulyo 12, 2016 laban sa malawak na “nine-dash line” claim ng China.
“Ang legal victory ay dapat maging victory din sa kamalayan ng publiko,” ani Cendaña. “Ang pagdedeklara sa Hulyo 12 bilang Victory Day ay magsisilbing inspirasyon sa lahat ng ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na gunitain ito taun-taon, palalimin ang kaalaman ng mamamayan sa ating karapatan sa dagat, at labanan ang disimpormasyon.”
Binigyang-diin din ni Vice Mayor Albayda ang kahalagahan ng patuloy na pagtatanggol sa soberanya. Aniya, mahalaga ang shared action at hindi lamang selebrasyon kundi mandatory education tungkol sa West Philippine Sea.
Naging pioneer ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pagpapasa ng ordinansa noong 2024 na ginagunitang taun-taon ang West Philippine Sea Victory Day. Sumunod na rito ang Cebu City, Zamboanga City, at iba pang lokal na pamahalaan.
Sa Hulyo 12, inaasahang mahigit 1,000 katao ang sasali sa West Philippine Sea Parade sa Palawan. Magtatapos ito sa isang espesyal na pagtatanghal ng folk singer Noel Cabangon sa Kapitolyo ng Palawan.