Photo courtesy: PIA
Ni Clea Faye Cahayag
Nagkaloob ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng sampung (10) Patient Transport Vehicle (PTV) sa mga lalawigan ng rehiyon ng MIMAROPA.
Isinagawa ang turnover ceremony noong Hulyo 9 sa PCSO Main Office sa Mandaluyong City na pinangunahan nina PCSO General Manager Melquiades Robles, PCSO Chairman Judge Felix Reyes (Ret.), Director Jennifer Guevara, at Director Imelda Papin.
Ayon sa PCSO, ang pamamahagi ng mga PTV ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na mailapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa bawat Pilipino.
Bawat lalawigan sa MIMAROPA ay tumanggap ng tag-dalawang (2) Patient Transport Vehicle. Personal na tinanggap nina Marinduque Governor Melecio Go, Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano, Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor, Palawan Governor Amy Alvarez, at Romblon Governor Trina Alejandra Fabic ang mga sasakyan.
Inaasahang malaki ang maitutulong ng mga PTV sa pagbibigay ng ligtas at maaasahang transportasyong medikal lalo na para sa mga pasyente sa malalayong komunidad.
“Sa pamamagitan ng Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP), patuloy na isinusulong ng PCSO ang misyong pangkawanggawa nito sa pamamagitan ng paghahatid ng mga Patient Transport Vehicle upang masuportahan ang pangangailangan ng mga komunidad sa transportasyong medikal,” pahayag ng PCSO.