File Photo
Ni Ferds Cuario
Maaari nang muling manguha o mangolekta, magbenta, magbiyahe, at kumain ng shellfish at alamang mula sa Puerto Princesa Bay matapos ideklara ng City Agriculture Office na ligtas na ang mga ito para sa pagkain ng tao.
Matatandaan kamakailan na tatlong beses na magkasusunod na nagpositibo sa isinagawang Harmful Algal Bloom (HAB) o red tide monitoring ng City Agriculture Office, katuwang ang Palawan Provincial Agriculture Office at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ang mga sample na nakuha mula sa Puerto Princesa Bay.
Batay sa inilabas na Local Shellfish Advisory No. 2-2026 na may petsang Hulyo 14, 2026, ang antas ng Paralytic Shellfish Toxin (PST) sa mga shell meat samples mula sa Puerto Princesa Bay ay nananatiling mas mababa sa itinakdang regulatory limit, kaya ligtas na itong kainin.
Dahil dito, pinapayagan na muli ang pangunguha, pag-aani, pagbiyahe, pagbebenta at pagkonsumo ng shellfish at alamang (Acetes sp.) mula sa mga baybayin ng Barangays Bancao-Bancao, Bagong Sikat, Bagong Silang, Liwanag, San Isidro, Matahimik, Mandaragat, San Pedro, Tiniguiban, Sta. Monica, Sicsican, Irawan, Iwahig, Sta. Lucia, Luzviminda at Mangingisda.
Ayon sa City Agriculture Office, magpapatuloy pa rin ang regular na monitoring sa Puerto Princesa Bay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maprotektahan ang lokal na industriya ng shellfish.