Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Naaresto ang isang lalaki habang anim na iba pang mga kasamahan ang nakatakas sa isinagawang operasyon laban sa iligal na sabong sa El Nido, Palawan nitong Hulyo 19.
Sa Sitio Nasigdan, Barangay Villa Libertad, ikinasa ang anti-illegal gambling operation ng mga tauhan ng El Nido Municipal Police Station (MPS) matapos maatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen. Pagdating ng mga pulis sa lugar, naabutan nila ang grupo na nagsasagawa ng sabong.
Kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Rolly,” 48-taong gulang, isang construction worker at residente ng nasabing barangay. Nahaharap siya sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 na nagbabawal sa lahat ng uwi ng iligal na sugal.
Samantala, anim na iba pang suspek na nakilala lamang sa mga alyas na “Kenneth,” “Erwin,” “Bong,” “Rogie,” Ermin,” at Jurly, na agad tumakas nang dumating ang mga awtoridad.
Nakumpiska mula kay “Rolly” ang dalawang patay na manok panabong, isang tari na may kumpletong gamit, at perang pantaya na nagkakahalaga ng P700.00. Samantala, dinala siya sa El Nido MPS para sa tamang dokumentasyon at kaukulang disposiyon.