Photo courtesy: Joey B. Tindog
Ni Rodolfo Idusora
Apektado ang 27 pamilya sa sunog na sumiklab sa isang boarding house sa Peneyra Road sa Barangay San Pedro bandang ika-9:30 hanggang 10:00 ngayong umaga ng July 20.
Karamihan sa mga naapektuhan ay mga boarders na binubuo ng mga empleyado at estudyante.
Batay sa paunang impormasyon, ang mga bahay na tinupok ng apoy ay yari sa light materials gaya ng plywood at sawali. May anim na magkakadikit na up-and-down na bahay sa lugar kaya mabilis na kumalat ang apoy, lalo na dahil sa malakas na hangin.
Dahil sa insidente, napilitang lumikas ang mga residente at boarders upang makaiwas sa panganib. Marami sa kanila ang hindi na nakapagligtas ng kanilang mga personal na gamit habang mabilis na lumalaki ang sunog.
Ayon sa mga awtoridad, wala namang naitalang nasaktan o nasawi sa insidente. Agad namang rumesponde ang mga bumbero upang makontrol ang apoy at maiwasan itong kumalat sa iba pang kabahayan sa paligid.
Gayunman, sa oras ng pag-uulat ay hindi pa idinedeklarang fire out ng City Fire Department ang sunog. Patuloy ang kanilang operasyon dahil sa malakas na hangin na nagpapahirap sa ganap na pag-apula ng apoy.
Hindi pa rin matukoy ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog. Inaasahang magsasagawa ng imbestigasyon ang Bureau of Fire Protection matapos tuluyang maapula ang apoy upang malaman ang sanhi ng insidente at matiyak ang kabuuang halaga ng pinsala.
Samantala, patuloy na binibilang ng mga opisyal ang bilang ng mga naapektuhang residente at ang lawak ng pinsala. Inaasahan ding mabibigyan ng kinakailangang tulong ang mga pamilyang nawalan ng tirahan at mga boarders na naapektuhan ng sunog habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon ng mga awtoridad.