Photo: Repetek
Ni Clea Faye G. Cahayag
Namahagi ng mga computer ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa ginanap na Digital Bayanihan Caravan sa Lungsod ng Puerto Princesa noong Hulyo 15.
Ang pamamahagi ay sa ilalim ng “Gadgets for Good”, isang programa ng DICT katuwang ang Concentrix, ang pinakamalaking BPO Company sa bansa.
Pangunahing benepisyaryo ng programang ito ang mga pampublikong paaralan sa ilalim ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay DICT Regional Director Emmy Lou V. Delfin, isang daang (100) computer sets ang ipagkakaloob sa sampung (10) pampublikong paaralan sa Palawan, ang bawat paaralan ay makakatanggap ng tag-10 computers.
“Ten computers per school po ito kasi po sa BPO their global standard is that every two years kahit okay pa siya they need to replace their computers even if it’s okay and running, ‘yun po ang magiging partnership kaya maraming schools na ang nabigyan sa iba-ibang probinsya,” pahayag ni Delfin.
Kabilang sa mga paaralang nakatanggap ng donasyon ang Pag-asa Integrated School, New Barbacan Elementary School, Julio Arzaga Elementary School, Alternative Learning System (ASMES), Malbato Elementary School, Macagua Elementary School, Panitian Elementary School, Ipilan National Highschool, Panitian Elementary School at Bataraza National High School.
Dagdag pa ng direktor, umabot na sa libong computers ang naipamahagi sa buong rehiyon ng MIMAROPA sa ilalim ng naturang programa.