Photo courtesy: BLGU SICSICAN
Ni Rodolfo Idusora
Matagumpay na nakapagluwal ng isang malusog na sanggol ang buntis na ginang sa loob mismo ng isang traysikel sa Barangay Sicsican, Lungsod ng Puerto Princesa, nitong umaga ng Hulyo 20.
Rumesponde sa pagpapaanak ng isang barangay kagawad at mga Barangay Health Workers (BHW).
Ayon sa Barangay Local Government Unit (BLGU) ng Sicsican, papunta na sana sa pagamutan ang ginang nang hindi na nito napigilan ang panganganak habang nasa biyahe.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong ang mga kasama nito sa mga opisyal ng barangay.
Mabilis na rumesponde si Kagawad Jonathan Sotto kasama ang ilang BHW ng barangay.
Sa kanilang pagtutulungan, ligtas na naipaanak ang sanggol sa loob ng tricycle bago pa man makarating sa ospital.
Matapos ang panganganak, agad na binigyan ng paunang pangangalaga ang mag-ina at dinala sa pagamutan upang masuri ng mga doktor at mabigyan ng karagdagang atensiyong medikal.
Batay sa paunang impormasyon, nasa maayos nang kalagayan ang bagong silang na sanggol. Maayos din ang kondisyon ng ina matapos ang insidente.
Kaugnay nito, pinuri ng BLGU Sicsican ang mabilis na pagtugon ni Kagawad Sotto at ng mga Barangay Health Workers na naging mahalaga upang matiyak ang kaligtasan ng mag-ina sa gitna ng hindi inaasahang pangyayari.
Ipinakita rin ng insidente ang kahalagahan ng kahandaan ng mga barangay health workers at mga opisyal ng barangay sa pagresponde sa mga emergency, lalo na sa mga sitwasyong may kinalaman sa kalusugan.
Samantala, nagpasalamat naman ang pamilya ng ginang sa lahat ng tumulong sa ligtas na pagpapaanak. Nagbigay rin ng paalala ang barangay sa mga buntis na malapit nang manganak na agad magtungo sa pinakamalapit na pagamutan o health facility sa oras na makaranas ng regular na labor pains upang maiwasan ang mga komplikasyon at matiyak ang kaligtasan ng ina at ng sanggol.