Photo courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Nakorner ang 18-anyos na motorista nang ito’y habulin ng mga nagpapatrolyang traffic enforcer sa Barangay San Manuel, Lungsod ng Puerto Princesa, nitong madaling araw Lunes, Hulyo 20.
Batay sa incident report ng Anti-Crime Task Force, naganap ang habulan bandang alas-3:24 ng madaling araw habang nagsasagawa ng roving patrol ang kanilang motorcycle unit sa nasabing barangay.
Bigla umanong sumulpot sa kanilang tabi ang isang motorsiklo na walang ilaw. Dahil sa bilis ng takbo nito, muntik na nitong mabangga ang patrol unit.
Agad na sinundan ng mga enforcer ang motorsiklo at ilang beses na sinubukang pahintuin ang rider. Sa halip na huminto, lalo pa umano nitong binilisan ang pagpapatakbo. Tumagal ang habulan hanggang sa pumasok ang rider sa isang makipot na eskinita na dead-end, dahilan upang hindi na ito makatakas.
Nakilala ang motorista na si alyas “Cyrus”, residente ng Barangay Sicsican. Minamaneho nito ang isang asul na Wave 100 na may plakang 8702VG.
Matapos ang inspeksyon, inisyuhan siya ng citation ticket dahil sa iba’t ibang paglabag sa mga umiiral na ordinansa sa trapiko.
Kabilang sa mga paglabag ang walang driver’s license, careless driving, reckless driving, muffler violation, kawalan ng side mirror, walang gumaganang ilaw, hindi pagdadala ng OR/CR, at disobedience sa utos ng mga awtoridad.
Matapos ang proseso, dinala at itinurn-over ang rider sa Barangay San Manuel para sa kaukulang aksyon.
Pinaalalahanan naman ng mga awtoridad ang lahat ng motorista na tiyaking kumpleto ang kanilang mga dokumento at maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyan bago bumiyahe. Mahalaga rin ang pagsunod sa mga batas-trapiko upang maiwasan ang aksidente at mapanatili ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.