Photo courtesy: Barangay Sta. Lourdes
Ni Rodolfo Idusora
Isinapubliko ng Barangay Council ng Sta. Lourdes ang umano’y sunud-sunod na insidente ng pagputol at pagnanakaw ng mga kable ng street lights sa kahabaan ng Purok Looban, nabanggit na barangay.
Malaki umanong problema ang pagkawala ng mga ilaw sa lugar dahil apektado ang kaligtasan at seguridad ng mga residente, ayon sa ulat. Ayon pa rito, nagiging madilim ang ilang bahagi ng kalsada, dahilan upang tumaas ang panganib ng aksidente at posibleng krimen, lalo na sa gabi.
Ipinaliwanag ng barangay na ang mga street light ay inilagay upang magbigay ng sapat na ilaw sa mga motorista, pedestrian, at mga residente na dumaraan sa lugar.
Dahil sa pagputol at pagnanakaw ng mga kable, hindi na gumagana ang ilan sa mga ilaw na roon.
Binigyang-diin ng Barangay Council na ang sinumang mapapatunayang sangkot sa pagnanakaw o pagsira ng pampublikong ari-arian ay maaaring managot sa ilalim ng umiiral na batas.
Patuloy rin umano ang pakikipag-ugnayan ng barangay sa mga kinauukulang awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa insidente.
Nanawagan din ang barangay sa mga residente na maging mapagmatyag at makiisa sa pangangalaga ng mga proyektong pampubliko. Hinikayat ang publiko na agad iulat sa Punong Barangay, Sangguniang Barangay, Barangay Tanod, o sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang kilos o taong posibleng sangkot sa pagputol o pagnanakaw ng mga kable ng street lights.
Ayon sa barangay, mahalaga ang pakikipagtulungan ng komunidad upang maprotektahan ang mga pasilidad na ginagamit ng lahat. Umaasa rin ang pamunuan na sa pamamagitan ng maagap na pag-uulat at pagbabantay ng mga residente ay maiiwasan ang pag-ulit ng ganitong mga insidente.
Patuloy namang hinihikayat ang bawat mamamayan na pangalagaan ang mga pampublikong pasilidad dahil ang mga ito ay para sa kapakanan at kaligtasan ng buong komunidad.