Repetek File Photo
Ni Albert Villamor Jr.
Isinuhestiyon ni Board Member Ariston D. Arzaga sa kanyang mga kasamahan sa Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ng mga hakbang upang tiyakin na magkakaugnay ang mga programa ng pamahalaan sa agrikultura, kalusugan, at kapaligiran.
Ang suwestiyon ni Board Member Arzaga ay bahagi ng kanyang privilege speech o talumpati sa Regular Session ng SP-Palawan noong Hulyo 14.
Nais niyang hikayatin ang kanyang mga kasamahan na board members na palakasin ang suporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pagsasanay sa sustenable at clima-resilient na agrikultura. Ang pangangalaga raw sa lupa ay pangangalaga rin sa kalidad ng pagkain.
Nais niya rin ng food safety education sa mga barangay, paaralan, pamilihan, at food establishments. Ang tamang kaaalaman daw sa ligtas na paghahanda ng pagkain ay isa sa pinakamabisang sandata laban sa mga sakit sa pagkain o food-borne diseases.
Hiling niya rin na paigtingin ang regular sa inspeksyon sa mga pamilihan, slaughterhouse, food processing facilities, at mga establisimyento ng pagkain para matiyak na sumusunod ang mga ito sa itinakdang pamantayan sa kalinisan at food safety.
Hinikayat din ni Arzaga ang kaniyang mga kasamahan sa SP-Palawan na tiyakin ang sapat na access ng bawat komunidad sa malinis na inuming tubig at maayos na sanitasyon. Ang ligtas na tubig ay mahalaga raw na sangkap ng ligtas na pagkain.
Palawakin din daw ang kampanya sa tamang nutrisyon na hindi lamang nakatuon sa pagkain ng masusustansyang pagkain kundi maging sa ligtas na produksyon, wastong paghahanda, at responsableng pagkonsumo ng pagkain.
Ang mga hakbang daw na ito ay kaakibat ng mga programa ng Department of Agriculture sa pagsusulong ng sustainable agriculture, ng Department of Health sa pag-iwas sa food at water-borne diseases, at ng Food and Drug Administration sa pagpapanatili ng kaligtasan ng pagkain. Pero ang tagumpay raw ng mga programang ito ay nakasalalay sa pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, at bawat mamamayan.