Photo Courtesy; PalPPO
Ni Samuel Macmac
Naaresto ng pulisya ng Coron ang isang Most Wanted Person na may kasong rape, child abuse, at illegal possession of firearms matapos masakote sa operasyon ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO).
Matagumpay na naaresto ang isang 45-anyos na lalaki na kinilala sa alyas na “Ren” sa Sitio Tapek, Barangay San Jose, Coron, nitong Hulyo 24.
Ikinasa ang operasyon sa pangunguna ng Coron Municipal Police Station (MPS) sa pamumuno ni PCPT Mark Rj P. Sigue, katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU), Maritime Group Coron Seaborne Company, at Naval Intelligence Unit.
Batay sa mga dokumento ng korte, may kinakaharap ang suspek na tatlong kaso ng Qualified Rape na walang piyansa, apat na kaso ng Statutory Rape, at isang kaso ng Lascivious Conduct na may piyansang P80,000.00.
Bukod dito, may isa pang warrant of atrest laban sa kanya para sa paglabag sa Comprehensive Firearms na may piyansang P100,000.00. Ang mga warrant ay inilabas ng Regional Trial Court (RTC), Branch 163 sa Coron, Palawan, sa ilalim nina Judge Arnel Pecundo Cezar at Judge Ryan Hartzell Cariño Balisacan.
Samantala, dinala na ang suspek sa kustodiya ng Coron MPS para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.