Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act. | Photo courtesy: ACTF
Ni Rodolfo Idusora
Babala: Naglalaman ng sensitibong paksa at larawan; may kinalaman sa karahasan. Maging disente sa pagkomento.
Sugatan ang isang lalaki nang masaksak nitong umaga ng Linggo, Hulyo 26, sa Hagedorn Road, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City.
Nadatnan ng mga rumespondeng tauhan ng Anti-Crime Task Force (ACTF) ang biktimang si Alyas “Ace”, nasa hustong gulang, at residente ng nabanggit na barangay, na nakahandusay sa gilid ng kalsada na may saksak sa kaliwang bahagi ng tiyan, labas kaniyang bituka.
Agad na humingi ng tulong ang mga responder sa HERO Puerto Princesa at kapulisan ng City Police Office.
Batay sa paunang impormasyon, nagtungo umano ang biktima sa bahay ng kanyang kapatid na si Armie habang nasa impluwensya ng alak. Sinabi ng magkarelasyong sina Armie, 36, at Jazzer, 40, na sumisigaw umano ang biktima at pilit na pumasok sa kanilang bakuran. Nang makapasok ito, sinubukan umano itong kausapin ni Armie ngunit umano’y bumunot ng kutsilyo ang biktima.
Dahil dito, nakialam si Jazzer at nagkaroon umano ng agawan sa kutsilyo. Sa gitna ng komosyon, nasugatan sa kamay si Armie. Nang maagaw umano ni Jazzer ang kutsilyo, nasaksak niya ang biktima sa tiyan.
Dalawang kutsilyo ang narekober sa insidente.
Ayon kay Jazzer, dala umano ng biktima ang mga ito at isa sa mga kutsilyo ang ginamit sa pananaksak. Isinugod ng HERO ambulance ang biktima sa ospital para sa agarang gamutan. Samantala, inaresto ng mga pulis si Jazzer at dinala sa Police Station 1 para sa imbestigasyon. Dinala rin sa himpilan ang motorsiklo ng biktima at ang dalawang kutsilyo bilang ebidensya.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong pangyayari at ang posibleng mga kasong isasampa.