Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Pinarangalan ng Palawan Provicial Police Office (PalPPO) ang tatlong opisyal ng pulisya matapos ang matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakahuli sa Regional Rank No. 2 Most Wanted Person.
Sa isinagawang Monday Flag Raising Ceremony ng PalPPO nitong Hulyo 20 sa Brgy. Tiniguiban, Lungsod ng Puerto Princesa, ginawaran ng Medalya ng Kagalingan si Police Colonel Joel D. Casupanan, Provincial Director, dahil sa kanyang mahusay na pamumuno sa pagdakip ng Reginal Rank No. 2 Most Wanted Person.
Batay sa ulat, isinagawa ang naturang operasyon para sa pagkakaaresto ng suspek nitong Mayo 5 sa Brgy. Antipuluan, Narra, Palawan. Siya ay may kinakaharap na tatlong kaso ng Statutory Rape.
Kasama ring tumanggap ng parehong parangal sina Police Captain Benjamin E. Martinez at PEMS Roderick S. Fabrigas bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa matagumpay na operasyon.
Ayon sa PalPPO, ang pagkilala ay patunay ng kanilang patuloy na kampanya laban sa mga wanted persons at ng kanilang dedikasyon sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko. At nagsisilbing inspirasyon sa mga kapulisan na ipagpatuloy ang mas pinaigting na operasyon upang matiyak naipatutupad ang batas.