Photo Courtesy: Roxas MPS
Ni Samuel Macmac
Dalawang katao ang arestado sa Roxas, Palawan, nang mahuli ng kapulisan ng Philippine National Police at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa aktong pagbiyahe ng iligal na troso na walang kaukulang permit.
Ayon sa ulat, naabutan ng mga tauhan ng Roxas Municipal Police Station (MPS) ang mga suspek na nagbibiyaye ng tatlong piraso ng bagong putol na Tungkod Langit sa Sitio Maagap, Bgy. Abaroan, bandang alas-8:30 ng gabi nitong Hulyo 21.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng koordinasyon ng DENR matapos makatanggap ng ulat tungkol sa iligal na transportasyon ng troso, kung saan nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang 95 board feet ng kahoy na may halagang P11, 400.00, pati na rin ang isang Motorstar 125 motorcycle na pinaniniwalaang ginamit sa pagbibiyahe ng mga produktong gubat.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Roxas MPS ang mga naarestong indibidwal habang inihahanda ang kaso laban sa kanila sa ilalim ng Section 77 ng Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philipipines.
Samantala, pinuri ni Police Colonel Joel D. Casupanan, Provincial Director, ang mabilis na aksyon at koordinasyon ng PNP at DENR kaugnay sa patuloy na pinaiigting na kampanya laban sa iligal na troso sa lalawigan.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.