Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac,
Naaresto ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) ang lalaking kabilang sa most wanted person sa Coron, Palawan, na may kasong iligal na droga at iligal na armas matapos mahuli sa operasyon.
Matagumpay na nahuli ng mga kapulisan ang lalaki sa ikinasang operasyon sa Bgy. Guadalupe na pinangunahan ng Coron Municipal Police Station (MPS) katuwang ang Provincial Intelligence Unit (PIU) Palawan at 2nd Special Operations Unit-Maritime Group (SOU-MG) Coron SBC.
Batay sa ulat, kinilala ang naarestong indibidwal na si alyas “Dodong”, 36-taong gulang, at residente ng nasabing barangay. Isinilbi sa kanya ang warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Ryan Hartzell Carino Balisacan, Regional Trial Court (RTC) Branch 163 Coron, Palawan.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehnsive Dangerous Drugs Act of 2002, at Section 28 (G) ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. May itinakda naman ang korte na piyansang P200,000, P40,000, at P80,000 para sa mga kaso.
Samantala, kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Coron MPS ang suspek para sa dokumentasyon at pormal na turnover sa korte.
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng biktima o suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.