Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Nasa kritikal na kondisyon ang isang motorcycle rider matapos bumangga sa isang truck van sa Bgy. Iraan, Rizal, Palawan.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO), kinilala ang sakot na motorsiklo na Mitsukoshi motorcycle na minamaneho ni alyas “Jack”, 24-anyos, residente ng Brgy. Punta Baja, Rizal. Nakabanggaan nito ang isang truck van na minamaneho naman ni alyas “Dino” 34-anyos, company driver mula sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis na tinatahak ng motorsiklo ang kalsada mula timog patungong hilaga. Pagdating sa kurbadang bahagi ng daan, nawalan ng kontrol si Jack at sumalpok nang harapan sa paparating na truck van na patungong Bgy. Punta Baja bandang alas-11:10 ng gabi nitong Hulyo 25.
Dahil dito, tumilapon sa gilid ng kalsada ang driver ng motorsiklo, kung saan nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo. Agad siyang isinugod sa Rizal District Hospital para sa gamutan. Samantala, ligtas naman ang driver ng truck van at walang nasaktan sa kanyang panig.
Nagtamo rin ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala ang parehong sasakyan at dinala sa Rizal Municipal Police Station (MPS) para sa tamang disposisyon.