Photo Courtesy: PIA
Ni Ferds Cuario
Makararanas ng malawakang pagkawala ng suplay ng kuryente ang ilang bayan at barangay sa lalawigan Palawan kabilang ang Lungsd ng Puerto Princesa sa Agosto 1 at 2, taong kasalukuyan, dahil sa isasagawang Annual Preventive Maintenance Test (APMT) ng PALECO, National Power Corporation (NPC), at Delta P-DMCI.
Sa Agosto 1, araw ng Sabado, mula alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-10:00 ng umaga, mawawalan ng kuryente ang buong Taytay, Roxas, at mainland Dumaran, gayundin ang mga lugar na sakop ng Lucbuan Feeder 1 at 2, kabilang ang Sitio Magarwak sa Barangay Bacungan hanggang Barangay Langogan sa Puerto Princesa City. Kasama rin sa maaapektuhan ang mga bahagi ng Barangay Irawan, Sicsican, Sta. Monica at Mangingisda.
Ayon sa PALECO, magsasagawa ang NPC ng paglalagay ng bypass connection sa Irawan Switching Station habang isasagawa naman ng Delta P ang preventive maintenance ng kanilang 69-kilovolt substation equipment at 2-MVA substation.
Samantala, mula Agosto 1 hanggang Agosto 2, magkakaroon din ng 12-oras na brownout, alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-5:00 ng hapon, sa mga lugar na sakop ng GMA, Iwahig, San Jose, WESCOM, at Poblacion Circuits, kabilang ang PALECO Compound Recloser at Lacsamana Recloser. Sakop nito ang mga bahagi ng Barangay Irawan, Sicsican, Sta. Monica, Sta. Lourdes hanggang Poblacion ng Puerto Princesa City.
Isasagawa rito ang preventive maintenance ng NPC Irawan Switching Station at ng 2×25 MVA PALECO Substation.
Sa Agosto 2, magkakaroon din ng hiwalay na power interruption mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon sa mga lugar na sakop ng Lucbuan Feeder 1 at 2 para sa maintenance ng 1×5 MVA Lucbuan Substation.
May karagdagang dalawang oras na brownout mula alas-3:00 hanggang alas-5:00 ng hapon sa mga lugar na sakop ng Macasaet at Resuma Reclosers bilang bahagi ng pagtatanggal ng bypass connection ng NPC matapos ang maintenance activities.
Pinaalalahanan ng PALECO ang mga residente at negosyo sa mga apektadong lugar na maghanda sa nakatakdang pagkawala ng suplay ng kuryente at gawin ang mga kinakailangang pag-iingat habang isinasagawa ang maintenance upang matiyak ang mas maayos at ligtas na serbisyo ng kuryente.