Photo Courtesy: PalPPO
Ni Samuel Macmac
Nasamsam ng mga pulis ang apat na sachet ng hinihinalang shabu sa bisa ng search warrant sa Coron, Palawan, ngunit hindi naabutan ang suspek na si alyas “Erco.”
Bandang alas-11:30 ng gabi nitong Hulyo 27, ikinasa ang operasyon sa Bakawan, Poblacion, na pinangunahan ng Coron Municipal Police Station (MPS) upang isilbi ang search warrant sa bahay ng suspek. Inilabas ang warrant noong Hulyo 24 sa kautusan ni Acting Presiding Judge Hartzell C. Balisacan, Regional Trial Court (RTC) Branch 163, Coron, Palawan.
May kaugnayan ang nasabing warrant sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Sa pangunguna ni PCPT Mark Rj P. Sigue, Officer-in-Charge ng Coron MPS, natagpuan sa silid ng suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu.
Batay sa ulat ng pulisya, may kabuuang timbang na 0.48 gramo ang narekober na iligal na shabu at tinatayang nagkakahalaga ng P3, 264.00. Nakumpiska rin ang isang itim na pouch at digital weighing scale na pinaniniwalaang gamt sa operasyon ng droga.
Gayunman, hindi naabutan sa lugar ang naturang suspek, na kasalukuyan naman pinaghahanap ng mga awtoridad. Nasa kustodiya na ng Coron MPS ang mga nakumpiskang gamit para sa tamang disposisyon at pagsusuri sa forensic laboratory.
Samantala, inihahanda naman ang kasong kriminal laban sa suspek sa paglabag sa Sections 11 at 12 ng RA 9165.