Photo courtesy: Jimmy Carbonell
Ni Rodolfo Idusora
Pinuna ni dating Konsehal Jimmy Carbonell ang patuloy na pagsasara ng tower o view deck sa Balayong Park matapos niya itong mabisita kasama ang kanyang mga apo at kaibigan noong Linggo.
Ayon kay Carbonell, natuwa sila sa magandang kalagayan ng mga itinanim na balayong trees sa liwasan. Ngunit nang nais nilang umakyat sa view deck upang kumuha ng mga larawan at gumawa ng TikTok videos, nalaman nilang hindi na ito maaaring gamitin.
Batay sa nakapaskil na karatula, nakasara ang view deck dahil sasailalim ito sa repair.
Nakasaad din na may sira ang sahig kaya delikadong akyatin at maaaring magdulot ng aksidente.
Sinabi ni Carbonell na ito rin ang ipinaliwanag sa kanya ng mga kawani ng parke na kanyang nakausap.
Ayon sa dating konsehal, nakapagtataka na agad itong nasira gayong malaking pondo ang ginamit sa pagtatayo ng pasilidad. Aniya, dapat ay matibay ang pagkakagawa nito dahil inaasahang maraming bisita ang gagamit ng view deck.
Napansin din niya na matagal na umanong hindi nagagamit ang naturang tower at tila nagsisilbi na lamang itong palamuti sa parke.
Dahil dito, hiniling ni Carbonell sa Pamahalaang Panlungsod na magbigay ng paliwanag sa publiko tungkol sa kalagayan ng view deck at kung kailan ito muling bubuksan.
Nanawagan din siya kina City Vice Mayor Jimbo Maristela at sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod na magsagawa ng ocular inspection upang personal na makita ang kondisyon ng pasilidad at matiyak na maisasagawa ang kinakailangang pagkukumpuni.
Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Pamahalaang Panlungsod kaugnay sa dahilan ng pagkasira ng view deck at sa target na petsa ng pagkumpleto ng pagkukumpuni nito.