Promotion ng libu-libong police personnel sa buong bansa
Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Samuel Macmac
Sabay-sabay itinaas ang ranggo ng 5,602 pulis sa buong bansa mula sa Second-Level ranks sa ilalim ng CY 2026 Regular Promotion Program ng Philippine National Police (PNP) nitong Hulyo 29.
Isinagawa ang makasaysayang seremonya ng sabayang oath-taking, donning, at pinning of ranks sa pangunguna ni Chief PNP PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. Ayon sa PNP, saklaw ng promosyon ang mga ranggong mula Police Corporal hanggang Police Major para sa libo-libong na-promote na pulis sa iba’t ibang rehiyon.
Sa Palawan, pormal na nanumpa at tumanggap ng bagong ranggo ang 30 tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PalPPO) at 13 mula sa Puerto Princesa City Police Office (PPCPO). Pinangunahan ito ni PBGEN Christopher R. Dela Cruz, Regional Director ng PRO MIMAROPA, kasama ang mga pamilya ng mga na-promote.
Samantala, nagpaabot ng pagbati sina PCOL Joel D. Casupanan, Provincial Director ng PalPPO at PCOL David A. Toctocan Jr, Officer-in-Charge ng PPCPO, na kapwa nagbigay-diing kaakibat ng promosyon ang mas mataas na pananagutan at pangakong maglingkod nang may integridad at propesyonalismo.