Fish vendor, timbog dahil sa shabu at patalim
Photo Courtesy: PalPPO
Repetek News
Editor’s Note: “Blurred” ang larawan ng suspek alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Act.
Nasakote sa buy-bust operation sa bayan ng Broke’s Point, Palawan, ang isang fish vendor na kilala sa alyas na “Noe” nitong Hulyo 28 sa Sitio Tagusao Highway, Brgy. Barong-Barong, nabanggit na bayan.
Nakumpiska sa pangangalaga ng suspek ang mahigit P14,000 na halaga ng hinihinalang “shabu” at patalim.
Iniulat ng Broke’s Point Municipal Police Station na isang street-level drug personality ang nahuling indibidwal sa operasyon na isinagawa roon, kamakailan.
Katuwang sa operasyon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek matapos magbenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang undercover operative kapalit ang P3, 500.00 marked money.
Kasunod nito, isinagawa ang masusing paghahalughog na nagresulta naman sa pagkakakumpiska ng isa pang sachet ng shabu. Sa kabuuan, tinatayang 2.09 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P14, 212.00 ang narekober.
Bukod sa droga, nakumpiska rin mula sa suspek ang isang jungle knife na may kahoy na scabbard, marked money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at tatlong boodle P1,000 bills, at isang Honda Beat motorcycle na pinaniniwalaang ginamit sa operasyon.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya na ng Brooke’s Point MPS ang suspek at lahat ng nakumpiskang ebidensya. Inihahanda naman ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 at Batas Pambansa Blg. 6 para sa pagsasampa sa Office of the Provincial Prosecutor.