Mabilis na serbisyong medikal sa Iwahig Prison
Photo Courtesy: IPPF
Ni Rodolfo Idusora
Ipinagkaloob sa Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) ang isang ambulansya na gagamitin sa Inagawan Sub-Colony (ISC) upang mapabilis ang pagresponde at pagdadala ng mga PDL o Persons Deprived of Liberty na nangangailangan ng serbisyong medikal.
Pinangunahan ni CT/SINSP (Rev. Fr.) Jasper A. Tabangay ang pagbabasbas sa ambulansya. Isinagawa ito bilang bahagi ng paghahanda sa paggamit ng sasakyan para sa mga emergency at medical transport ng mga PDL at mga personnel na nangangailangan ng agarang biyahe patungo sa pagamutan.
Matapos ang regular na flag-raising ceremony ay isinagawa ang turnover program na pinangunahan ni IPPF Superintendent C/SUPT Edgardo F. Mendoza Jr. Dumalo sa aktibidad ang mga commissioned at non-commissioned officer ng IPPF.
Ang ambulansya ay donasyon mula sa Ospital ng Palawan (ONP). Inaasahang makatutulong ito sa mas mabilis na pagdadala ng mga PDL sa ospital, lalo na sa mga kaso na nangangailangan ng agarang atensyong medikal.
Mahalaga ang pagkakaroon ng sariling ambulansya sa ISC dahil mas mapapadali ang transportasyon ng mga pasyenteng kailangang sumailalim sa medical check-up, gamutan o emergency treatment.
Ayon sa IPPF, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap na mapabuti ang serbisyong pangkalusugan para sa mga PDL.
Sa pagkakaroon ng bagong ambulansya, inaasahang mas magiging mabilis ang pagtugon sa mga medical emergency sa Inagawan Sub-Colony.