Ayuda para sa market vendors sa Old Public Market
Photo Courtesy:
Repetek News
Ni Rodolfo Idusora
Makatatanggap ng tag-₱10,000 financial assistance ang mga lehitimong nagtitinda sa Old Public Market na nakatakdang ilipat sa bagong palengke ng Puerto Princesa City.
Kinumpirma ito ni City Councilor Modesto “Jonjie” Rodriguez II, chairman ng Committee on Appropriations ng Sangguniang Panlungsod, sa panayam ng Radyo Bandera.
Ayon kay Rodriguez, mula sa ₱15 milyong pondo ang gagamiting financial assistance para sa mga market vendor.
Una umanong inilaan ang pondo para sa programa ng city government na pagpapahiram ng dagdag na puhunan sa mga nagtitinda sa palengke.
Ngunit dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang gastusin, hiniling umano ni City Mayor Lucilo Bayron sa Sangguniang Panlungsod na amyendahan ang naunang ordinansa.
Sa halip na pautang, ginawa itong tulong pinansyal para sa mga kwalipikadong market vendors.
Ipinaliwanag ni Rodriguez na layunin ng programa na makatulong sa mga nagtitinda habang naghahanda sila para sa paglipat sa bagong palengke.
Kabilang sa mga makikinabang ang mga kasalukuyang nagtitinda sa Old Public Market na may mayor’s permit at kabilang sa mga lehitimong vendor.
Dahil financial assistance na ang ibibigay, hindi na ito kailangang bayaran ng mga makakatanggap.
Samantala, sinabi rin ni Rodriguez na maaari pa ring ipagpatuloy sa susunod na taon ang dating programa ng city government na pagpapahiram ng dagdag na puhunan sa mga market vendor, nang walang interes.
Tinatayang mahigit 1,400 market vendors ang nakatakdang ilipat sa bagong palengke sa susunod na buwan.
Ayon pa kay Rodriguez, inaasahan nilang sasapat ang inilaan na pondo para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng ₱10,000 financial assistance.
Layunin ng programa na magkaroon ng dagdag na pera ang mga vendor para sa kanilang puhunan at gastusin sa panahon ng kanilang paglipat.